“ANG impeachment trial ay hindi lang para sa mga abogado at mga politiko. Para ito sa sambayanang Pilipino.”
Ito ang git ni Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V kasabay sa pahayag ng suporta sa mungkahi ng prosecution panel na payagan ang paggamit ng wikang Filipino at English sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
“Kung ang pinag-uusapan ay pananagutan sa bayan at paggamit ng pera ng bayan, dapat naiintindihan din ng bayan ang nangyayari sa paglilitis,” wika ni Ortega.
Para kay Ortega, makakatulong sa tamang presentasyon ng ebidensya at testimonya ang paggamit ng lenggwahe ng testigo.
“Minsan mas malinaw lumabas ang katotohanan kapag ang isang tao ay nagsasalita sa wikang pinakakomportable siya. Hindi natin dapat gawing komplikado ang mga bagay na maaari namang maipaliwanag nang direkta at malinaw,” paliwanag ng kongresista.
Sinabi ng ranking House official na ang hiling ng prosekusyon sa paggamit ng wikang Filipino ay hindi naman nag-aalis sa English language sa impeachment proceedings. Layon lamang aniya ng kahilingan ng prosekusyon magkaroon ng “flexibility” sa komunikasyon.
“Walang inaalis sa proseso. Dinadagdagan lang natin ang paraan para mas maintindihan ito ng publiko,” sambit pa ni Ortega.
Sa pamamagitan aniya ng rekomendasyon ng prosekusyon, mapagtitibay ang “transparency” at mababawasan, kundiman tuluyang mapigilan ang pagkalat ng ng fake news.
“Kapag mismong taong bayan ang nakakarinig at nakakaintindi sa mga testimonya at ebidensya, mas mahirap baluktutin ang katotohanan,” aniya pa.
“The best defense against misinformation is transparency. Let the public hear the evidence, understand the evidence, and judge the evidence for themselves.”
