PARA sa pamunuan ng Senado, pinakamainam kung kusang-loob na uuwi si former Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co para harapin ang mga kaso kaugnay ng flood control scandal.
Sa isang panayam sa programang lumabas sa Bilyonaryo News Channel, partikular na sinagot ni Senate President Vicente Sotto III ang pahayag ni Atty. Ruy Rondain na nagsabi na hindi siya pabor na umuwi sa Pilipinas si Co bunsod na aniya’y seryosong banta.
Si Rondain ang tumatayong abogado ni Co.
“I would have a different opinion. If I believe my client (is innocent), I will tell my client to face the allegations and prove them wrong,” wika ni Sotto.
Paliwanag ng senador, hindi malayong ihanay ang dating kongresista sa hanay ng mga pugante tulad ni dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves na na tinugis — at inaresto ng International Police Organization (Interpol) sa hiling ng gobyerno ng Pilipinas.
Hindi rin aniya balakid ang pagtatago ni Co sa pag-usad ng kaso sa husgado.
“He will become a fugitive. And he might be tried in absentia, and he might be found guilty in absentia,” ayon sa senador.
“It may take some time, but he will be found,” ani Sotto. “So it would be best if he faces the allegations, he faces the music.”
Hindi rin umano madaling mamuhay sa ibang bansa ang isang pugante kahit na marami pa siyang pera.
“Being a fugitive nowadays, Interpol and all that, it will be very difficult to hide. You will be found one way or another,” wika pa ni Sotto.
Para kay Sotto, malaking bentahe ang paglutang Co sa isinasagawang imbestigasyon sa flood control scandal kung saan kabilang sa mga pinaniniwalaang sangkot si dating House Speaker Martin Romualdez na pinsang buo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (ESTONG REYES)
