
SA gitna ng patuloy na pagsipa ng komersyo at kalakalan sa social media, hiniling ng Senador Bong Go ang paghihigpit sa bentahan ng gamot ng mga ‘online pharmacies’ sa hangaring tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health, na dapat higpitan o i-regulate ang operasyon ng mga “online pharmacies” sa bansa, gaya ng iminungkahi sa ilalim ng eBotika bill.
“As chairman of the committee on health, pag-aralan po natin mabuti ito. But for now, given na ang dami pong nagbebenta diyan sa online ng mga gamot, especially sa social media, dapat ay prescription drugs, meaning kailangan nyo po ng reseta ng isang doktor,” wika ni Go, kasabay ng panawagan sa mga kapwa mambabatas na suportahan eBotika bill na kanyang inihain sa Senado.
“Kailangan natin ng more measures on how to regulate this; kailangan nating i-regulate po ito. Buhay at kalusugan po ng mamamayan ang pinag-uusapan dito,” dagdag ng senador.
Para kay Go, higit pa sa usapin ng paghihigpit sa e-commerce ang target ng panukala lalopa aniya’y kalusugan at kaligtasan ng mga mamamayan ang nakataya.
“Hindi pwedeng basta-basta ka na lang bumili diyan sa online. Kailangan may proseso ring pinagdadaanan. What if mali ang nabili mo sa online, what if peke, what if hindi tama ang dosage? What if na-overdose ang pasyente, sino po ang mananagot?” paliwanag ni Go.
“So, pag-aralan natin mabuti ito dahil mayroon pong nai-file sa Lower House. Kapag dumating po sa Senado, tatalakayin natin ito nang mabuti,” aniya pa.
Sa ilalim ng eBotika Act na inihain sa Kamara ni Iloilo 4th District Rep. Ferjenel Biron, target i-regulate ang pagbebenta ng mga gamot online o sa social media.
Nanindigan si Go na ang kawalan ng angkop at natatanging panuntunan at pamantayan at posibleng humantong sa panganib sa kalusugan ng mamamayan.
…………