
SA gitna ng patuloy na pagbaba ng passing rate sa mga licensure board examinations na pinangangasiwaan ng Professional Regulatory Commission (PRC), iminungkahi ng isang kongresista na tanggalin na lang ang komplikadong pagsusulit – pero may kapalit, ang apprenticeship program.
Paniwala ni Northern Samar Rep. Raul Daza, anti-poor at anti-student ang PRC board exam, kasabay ng panawagan sa mga kapwa mambabatas na repasuhin ang umiiral na polisiya ng naturang ahensya.
Partikular na tinukoy ni Daza ang mga nakalap na datos mula mismo sa PRC kung saan lumalabas na 40.8% lang ang nakalusot sa mga board examinations para sa 36 na karera sa nakalipas na anim na taon.
“Itong mga board exams are anti-student, anti-poor, and arbitrary. Hindi po iyan kasalanan ng students. Kasalanan po yan ng CHED (Commission on Higher Education), PRC, or maybe our society, in general. And we need to find solutions,” giit ni Daza.
Mungkahi ni Daza, bigyan ng lisensya ang mga nagtapos sa mga ilang kurso – partikular ang mga pobreng estudyanteng walang kakayahan tustusan ang gastusing kalakip pagre-review bago kumuha ng licensure exam.
“Pahirapan na nga ang pagtatapos sa elementary at high school, pati ang pagpasok sa college, aba’y pagdating pa ng board exam – kahit mabaon pa sa utang ang pamilya para lang may pang pang-review center – ay kailangan pang lumusot sa isa pang butas ng karayom ang ating mga graduates?”
“Many of these graduates are from poor and disadvantaged groups and it is truly disheartening that they could not pursue their much-sought profession because they could not pass the board exams,” dagdag pa ng kongresista.
Sa halip na licensure exam, giit ng kongresista sa pamahalaan na pag-aralan ng ‘apprenticeship program.’
“To quote an esteemed American educator, there is indeed great injustice in telling our youth that education is the key, while the supposed educators continue to change the lock.”