KASABAY ng dagdag-presyong ipinataw ng mga negosyante sa likod ng paggawa, distribusyon at bentahan ng alak, vape at sigarilyo, isang panukala naman ang inihain ng isang bagitong kongresista sa Kamara – pagtaas sa antas ng buwis na kalakip ng mga naturang produkto.
Para kay Anakalusugan partylist Rep. Ray Reyes, epektibong mekanismo ang pagtaas ng presyo ng alak, vape at sigarilyo para magtagumpay ang kampanya ng pamahalaan kontra sa malawakang bisyo.
Katunayan aniya, malaking bilang ng mga kabataan ang umiwas na lang sa bisyo dahil na rin sa mataas na presyo sa merkado.
Sa pagpapataw ng mas mataas na antas ng sin tax, target ng kongresista madagdagan ang pondo para sa Universal Health Care (UHC) para mas maraming Pilipino ang matugunan ng gobyerno.
“Studies have shown that Sin Tax is working lalo na sa ating mga kabataan. Through this measure, we help millions of Filipinos from acquiring preventable diseases – especially tobacco-related illnesses,” ani Reyes.
Sa huling pag-aaral aniya ng University of the Philippines Population Institute (UPPI) bumaba ang bilang ng mga bumibili ng alak, sigarilyo at vape sa hanay ng mga kabataan
Patunay aniya ang resulta ng Young Adult Fertility and Sexuality Study (YAFS). Sa datos ng naturang pag-aaral, bumaba ng 12% ang bilang ng mga kabataang edad 15-24 anyos noong 2021 mula sa 22% noong 1994.
“We are still one of the countries with lowest sin taxes and there is still more work to be done for us to get within the WHO standards of Universal Health Care,” paliwanag pa ng mambabatas.
Sa rekord ng Kamara, kabilang rin sa kinokonsidera ng Kamara na patawan ng sin tax ang mga matatamis na inumin tulad ng softdrink, juice at iba pa.
Sa report ng Department of Health (DOH), 30% sa kabataang Pinoy ang inaasahang mapapabilang sa hanay ng mga ‘obese’ (overweight) pagsapit ng 2030 kung hindi makokontrol ang sugar intake.