
SA kabila pa ng sandamakmak na ilog at sapa sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan, nananatiling salat sa ligtas at malinis na tubig ang nasa 41.6% ng kabuuang populasyon sa bansa.
Base sa pag-aaral ng National Water Resources Board (NWRB), katumbas ng 11 milyong pamilya ang umaasa lang sa tubig poso – kung hindi man balon sa mga liblib na komunidad sa iba’t-ibang lalawigan sa labas ng National Capital Region (NCR).
Pag-amin ni NWRB Executive Director Sevillo David, walang katiyakan na ligtas ang tubig mula sa mga poso, sapa, ilog at maging tubig ulan.
Bukod aniya sa suliranin sa malinis at ligtas na supply ng tubig, problema rin umano ang kawalan ng palikuran sa maraming tahanan – bagay na aniya’y posibleng magdulot ng kontaminasyon sa tinawag niyang groundwater.
Matapos isapubliko ng NWRB ang datos, sabayang kumilos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang Senado.
Pagtitiyak ni Marcos, prayoridad ng kanyang administrasyon ang paglikha ng Water Resources Management Office na aniya’y mangangasiwa sa lahat ng anyong tubig at tutugon sa hamon kontra pagkasira ng mga lawa, ilog, sapa at iba pang pwedeng pagkunan ng tubig-tabang.
Sa Senado, inihain naman ni Sen. Joel Villanueva ang Senate Bill 1048 (Safe Drinking Water Act) na o-obliga sa mga water concessionaires na magsumite ng water safety plan at magtakda ng comprehensive examination sa kalidad ng isinusuplay na tubig kada dalawang buwan – bukod pa sa mga kaukulang permiso mula sa mga tanggapan ng pamahalaan.
“It’s such a sad reality that almost half of the Filipino families do not have access to clean water due to lack of supply and sanitation,” ani Villanueva na siya rin may-akda ng SB 2013 (National Water Act) na nagsusulong sa paglikha ng Department of Water Resources at Water Regulatory Commission.