
HINDI dapat malagay sa peligro ang mga mag-aaral sa gitna ng nakaambang panganib na dulot ng matinding alinsangan na kasabay ng pagpasok ng panahon ng tag-init.
Sa isang pahayag, ibinahagi ni Sec. Sonny Angara ang plano ng Department of Education (DepEd) na magpatupad ng pagbabago sa oras ng pasok ng mga estudyante — mula alas 6:00 am hanggang alas 10:00 para sa mga pang-umaga at alas 2:00 pm hanggang alas 6:00 pm para sa mga panghapon.
Idaraos naman aniya ang asynchronous learning mode mula 10:00 am hanggang 2:00 pm.
Ayon sa Kalihim, maaaring mag-transition ang mga nangangasiwa ng paaralan sa sandaling pumalo sa 42 degrees Celsius pataas ang heat index – o alinsunod sa utos ng lokal na pamahalaan.
Hinikayat din ni Angara ang pamunuan ng mga paaralan na limitahan muna ang outdoor physical activities para sa mga mag-aaral, pagbibigay pahintulot sa mga estudyante magsuot ng kumportableng damit.
Pasok din sa plano ng departamento bumili ng karagdagang bentilador at drinking stations.