HINDI bababa sa 260 Chinese vessels, kabilang ang mga barkong pagdigma ang namataan nagla lamyerda sa iba’t ibang bahagi ng West Philippine Sea (WPS), ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Pag-amin ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, kasama sa naturang bilang ang warships ng bansang China. Santambak rin aniya ang sasakyang dagat na may marka ng China Coast Guard (CCG) sa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
Kabilang umano sa tinatambayan ng mga barko ng China ang Ayungin (Second Thomas) Shoal, Escoda (Sabina) Shoal, at Panatag (Scarborough) Shoal.
Ayon kay Padilla, umabot sa 251 ang bilang ng mga namataang Chinese vessel sa WPS noong Setyembre ng nakaraang taon — ang pinakamataas noong 2024.
