
SA hangarin tiyakin ang kaligtasan ng mga piloto, pansamantalang sinuspinde ng pamunuan ng Philippine Air Force (PAF) ang paglipad ng lahat ng FA-50 fighter jets kasunod ng trahedyang ikinasawi ng dalawang lulan ng eroplano.
Ayon kay Col. Bon Castillo na tumatayong tagapagsalita ng Philippine Air Force, “grounded” na muna ang 11 FA-50 fighter jets para bigyang-daan ang malalimang imbestigasyon sa sanhi ng pagbagsak kahapon ng eroplanong pandigma sa bulubunduking bahagi ng Bukidnon.
Gayunpaman, tumanggi si Castillo pangalanan ang dalawang pilotong nasawi sa insidente.
Samantala, tiniyak din ni Castillo na bibigyan ng karampatang tulong ang pamilya ng mga nasawing piloto.
Una nang naiulat na nawawala ang FA-50 fighter jet. Natagpuan ang wreckage ng nasabing eroplano sa mabundok na bahagi ng Mt. Kalatungan sakop ng Barangay Mirayon, Bukidnon kinabukasan.
Tumambad naman ang labi ng dalawang piloto hindi kalayuan sa wasak na eroplano. (EDWIN MORENO)