Ni Romeo Allan Butuyan II
SA hangaring bigyan ng pagkakataon ang mga pobreng mag-aaral patunayan ang husay sa larangan ng edukasyon, isinalang sa Kamara ang isang panukalang batas na naglalayong pagaanin ang pasanin ng first-time board at bar exam takers sa paraan ng libreng review courses.
Sa House Bill 9800 na inihain ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo, target ng panukala palayain ang mga pobreng mag-aaral sa tanikalang nagsisilbing hadlang para abutin ang pangarap ng mga kabataang pasok sa kategorya ng mga maralita.
“Its primary aim is to remove the financial barriers that often impede the progress of indigent individuals who aspire to become professionals in their chosen fields,” nagkakaisang pahayag pa ng mga naturang kongresistang kinabibilangan din nina ACT-CIS partylist, Reps. Jocelyn Tulfo at Edvic Yap; Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd District Cong. Ralph Tulfo.
“The bill focuses specifically on exempting qualified persons from the burden of paying review fees for board and bar examinations when they take these critical tests for the first time,” saad sa pinag-isang pahayag ng mga nabanggit na kongresista.
Nakapaloob sa panukala na ang review fees na sasagutin ng pamahalaan ay ang sinisingil ng review centers o educational institutions para sa review courses ng bar o board exams gaya ng medicine, nursing at engineering, maging ito man ay ‘in-person, online, o hybrid, kasama na ang review o exam preparatory materials.
Paliwanag ni Tulfo, pasok sa kategoryang ‘qualified indigent first-time takers’ ang mga indibidwal na walang sapat na kita para tugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya – bukod pa sa dapat kinikilala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) o yaong mga ‘dependents’ ng pamilyang mas mababa pa sa poverty threshold ang taunang ganansya, batay na rin sa panuntunan ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Nakasaad din sa nasabing panukala na ang Supreme Court (SC), Professional Regulation Commission (PRC), DSWD at iba pang kinauukulan ahensya ng pamahalaan ang babalangkas ng implementing rules and regulations (IRR) sa loob ng 90 araw matapos lagdaan ng Pangulo.
