TATLONG araw matapos ang pagguho ng gabundok na basura sa Rizal Provincial Sanitary Landfill sa Montalban, isa ang kumpirmadong patay habang dalawa pa ang missing, ayon mismo sa lokal na pamahalaan.
Sa isang pahayag, tiniyak ni Montalban Mayor Ronnie Evangelista ang patuloy na search and retrieval operation sa dalawang hindi pinangalanang indibidwal na nalibing nang buhay matapos dumausdos ang nasa 20-metrong taas ng basurang nakatambak sa pasilidad sa Barangay Isidro ng nasabing lokalidad.
“Napakahirap mag-retrieve o mag-recover sa bundok ng basura. Hindi naman ‘yan katulad ng ordinary na landslide. Panay basura ‘yan kaya hindi pwede na basta-basta mano-mano pag-retrieve, napakahirap,” ayon sa alkalde.
Itinanggi rin ni Evangelista ang impormasyong ibinahagi ng grupong Kadamay na nagsabing nasa 50 hanggang 100 katao ang natabunan ng basura.
Samantala, sinimulan na rin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) imbestigasyon sa insidenteng naganap noong Pebrero 20.
Ayon sa DENR, nagpadala ng mga tauhan ang Environmental Management Bureau – Calabarzon upang suriin ang lawak ng pinsala.
Naglabas din ng direktiba ang ahensya sa private contractor na magsagawa ng slope stabilization operations at maghain ng detalyadong action plan.
Sa kaugnay na balita, nanawagan si Rizal Governor Nina Ricci Ynares ng mas malalim na imbestigasyon bunsod ng pangamba ng mga residente at urban poor groups hinggil sa kaligtasan at epekto sa kapaligiran. (EDWIN MORENO)
