PATULOY na nadadagdagan ang bilang ng mga kumpirmadong nasawi sa trahedya sa karagatang sakop ng Basilan.
Sa datos ng Philippine Coast Guard (PCG), pumalo na sa 65 ang kumpirmadong patay sa paglubog ng barkong MV Trisha Kerstin 3 halos isang buwan na ang nakalipas.
Sa pagpapatuloy ng search and retrieval operation na isinagawa ng technical diving team, isa pang bangkay ang narekober ng bantay-dagat sa bahagi ng Baluk-baluk na sakop pa rin ng lalawigan ng Basilan.
Batay sa pinakahuling datos ng Philippine National Police – Scene of the Crime Operatives (PNP-SOCO), umabot na sa 65 ang narekober na bangkay.
Nasa 293 naman ang nasagip, habang 14 naman ang nawawala at patuloy pang hinahanap.
Katuwang naman ng PCG sa pagkalap ng mga impormasyon PNP-SOCO, City Disaster Risk Reduction and Management Office, Coast Guard District Southwestern Mindanao, at mga kaanak ng mga biktima. (JULIET PACOT)
