HINDI kanlungan ng mga wanted na dayuhan ang bansang Pilipinas, ayon sa Bureau of Immigration (BI), kasunod ng matagumpay na operasyon sa Davao City kamakailan.
Sa isang kalatas, kinilala ng kawanihan ang mga arestadong dayuhan na sina David Michael Blunk, isang American national, at Ahn Min Hyuk na mula naman sa South Korea.
Ayon sa BI, nadakip sa Bajada ang 41-anyos na si Blunk na may warrant of arrest sa Estados Unidos dahil sa kasong felony grand theft at paglabag sa probation. Nasa blacklist at watchlist na rin umano ng ahensya ang nabanggit na Amerikano.
Sa hiwalay na operasyon, naaresto sa Barangay Magtuod ang 48-anyos na Korean national na may Interpol Red Notice kaugnay ng kasong special robbery sa South Korea. Itinuturing din siyang overstaying at undocumented alien.
Kasalukuyang nakadetine ang dalawa sa BI Warden Facility habang inihahanda ang deportation. (JULIET PACOT)
