
SA laki na pondong naubos ng gobyerno para labanan ang nakamamatay na sakit na dulot ng kagat ng lamok, wala pa rin palang epektibong gamot na natuklasan ang mga siyentipiko sa larangan ng medisina, ayon sa isang opisyal ng Department of Health (DOH).
Pag-amin ni DOH medical officer Dr. Kim Patrick Tejano, bagamat patuloy naman di umano ang mga pag-aaral kaugnay ng sakit na dengue, wala pa rin magpahanggang ngayon napapatunayang epektibong gamot sa virus na dala ng lamok.
Paliwanag ng opisyal, ang dengue virus ay mahirap magkaroon ng antivirals.
Nagbabala rin sa Tejano sa paggamit ng iba’t ibang tinutulak na alternatibo at herbal treatments kabilang ang tawa-tawa, siling labuyo, at bayabas.
Para aniya makaiwas sa nakamamatay na dengue, ibayong pag-iingat sa mga pesteng lamok sa paraan ng pagsusuot ng mahabang manggas na damit at pantalon upang maiwasan ang pagkakalantad sa balat at gumamit ng mga lotion at spray na panlaban sa lamok.
Hinikayat din ang mga Pilipino na kumonsulta ng maaga sa doktor sakaling dumaranas ng mga sintomas tulad ng lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan at kasukasuan, pagduduwal, o pantal.