GANAP nang isinailalim na sa state of calamity ang buong lalawigan ng Masbate bunsod ng bakas ng malawakang pinsala sa hagupit ng bagyong Opong.
Sa bisa ng Resolution 164-2025 na akda ni Provincial Board Member Homer Revil, pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ang pagdedeklara ng state of calamity sa buong Masbate.
Kasunod ng pagpapatibay sa SP Resolution 164-2025, agad na pumirma si Masbate Gov. Ricardo Kho para sa paggamit ng calamity fund ng lalawigan at mga lokal na pamahalaan bilang tugon sa pangangailangan ng mga apektadong residente.
Samantala, dinalhan na rin ng Philippine Coast Guard (PCG) at Department of Social Welfare and Development-Bicol Regional Office ng tulong ang mga apektado sa pagbayo ng bagyo.
Kabilang sa mga unang hinatiran ng tulong ang mga residente ng Ticao Island sa bayan ng Monreal.
