MATAPOS yanigin ng isang magnitude 6.9 na lindol ang lungsod ng Bogo sa lalawigan ng Cebu, agad na ikinasa ng Kamara ang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa hangarin iparating ang kinakailangan tulong sa mga apektado ng delubyo.
Sa isang mensahe ni House Speaker Faustino Dy III — “Buong Kongreso ng Pilipinas ang taos-pusong pakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at sa lahat ng naapektuhan ng lindol sa Cebu at mga karatig-probinsya.”
Ayon kay Dy, batid ng Kamara ang agarang pagkakaloob ng serbisyong medikal, pamamahagi ng mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain at maiinom na tubig sa mga lugar na pinaka tinamaan ng lindol.
“Nakipag-ugnayan na rin tayo sa mga kinatawan ng mga apektadong distrito upang suportahan ang kanilang pagsisikap na ihatid ang tulong sa kanilang nasasakupan,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
“Ang inyong Kongreso ay nakahanda maging katuwang sa pagbabalangkas ng mga kinakailangang programa upang matulungan ang mga nasalanta at higit pang mapatatag ang kahandaan ng bansa laban sa mga darating pang sakuna,” aniya pa.
“Hindi nag-iisa ang ating mga kababayan sa gitna ng trahedyang ito. Kaisa at karamay ninyo ang buong sambayanan at ang Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas sa pagbangon.” (ROMER R. BUTUYAN)
