MAS lamang na walang mapala ang maghahabol ng danyos perwisyo mula sa may-ari ng lumubog na barko sa karagatang sakop ng Oriental Mindoro dalawang linggo na ang nakaraan.
Ang dahilan – walang permit to operate ang MT Princess Empress na nagdulot na malawakang pinsala sa karagatan bunsod ng tumagas na langis.
Ayon kay Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change Chairperson Cynthia Villar, malabong makuha ng RDC Reield Marine Services ang sinasabing $1-bilyong insurance claim dahil sa kakulangan ng dokumento.
Paniwala ng senador, hindi lulusot ang mga maghahabol sa insurance company dahil na rin sa paghihigpit sa mga kailangang dokumento, kabilang ang permit to operate na karaniwang nagmumula sa Maritime Industry Authority (Marina).
Ayon kay Atty. Hernani Fabia ng Marina, bagama’t mayroong certificate for public convenience ang kumpanya – hindi naman naisama ng kumpanya sa amendments ng certificate ang MT Princess Empress.
Sa pagtatanong ni Senador Chiz Escudero, inamin ni Fritzee Tee, vice president ng RDC Reield Marine Services na siyam na beses nang naglayag ang barko nang walang permit to operate – kabilang ang byahe sa Bataan at Maynila.