
HINDI lahat ng drogang nasamsam sa mga operasyon ng pulisya winawasak. Malaking bahagi ng kumpiskadong kontrabando, bumabalik at binebenta ulit sa merkado, pag-amin ng isang nagpakilalang tawiwit (informer) sa executive session ng Kamara.
Pagbubunyag ng asset sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs, 20% ng mga nasamsam na droga ang gantimpala sa kanila, habang 70% naman ang pinabebenta di umano sa kanila ng kanilang handler na pulis.
Ang pinagbentahan – nireremit sa pulis na kausap ng asset.
“Yung mga ninja cops order the assets or informants to sell yung ‘basura’ sa kalsada. Kapag nabenta na, binabalik nila yung cash,” Ayon kay committee House committee chair Rep. Robert Ace Barbers batay aniya sa pagtatapat ng informer na pasok sa mga malalaking sindikatong nasa likod ng kalakalan ng droga.
“Alam niya yung kalakaran sa loob. Sabi niya matagal na rin siya sa ganyang sistema at kalakaran so he knows personalities, he knows a lot of modus yung kanilang mga rogue PNP and PDEA members.”
Pa-amin ng mga opisyal PDEA at PNP na dumalo sa pagdinig, hindi imposible ang ibinunyag ng impormante.
Gayunpaman, hindi na ikinagulat ni Barbers ang pag-amin ng impormante, partikular sa pagrerecycle ng nakumpiskang droga.
“Nai-involve na rito yung assets or informers kasi nakaka-penetrate na siya sa loob ng mga nagbebenta o sa loob ng drug lords o sindikato. Pag nakakuha siya ng information doon, siguro ngayon he’s become more enterprising. Nagbebenta siya…”
Oktubre ng nakalipas na taon nang masakote sa isang drug sting si Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr., miyembro ng PNP Drug Enforcement Group Special Operations Unit sa National Capital Region.
Nakuha sa pag pag-iingat ni Mayo ang tinatayang P6.7-bilyong halaga ng shabu.