
MATAPOS mapaso ang travel authority clearance mula sa Kamara, nananatiling blanko ang Kamara kung babalik pa sa Pilipinas ang kongresistang suspek sa kabi-kabilang patayan sa Negros Oriental.
Ayon mismo kay House Speaker Martin Romualdez, walang paramdam man lang sa kanya o sa mga kapwa kongresista si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves na nahaharap sa patong-patong na kasong murder, frustrated murder at illegal possession of firearms and explosives na isinampa kamakailan ng Department of Justice (DOJ).
”I have yet to receive any communication from Cong. Arnie since I appealed to him to return home. I expect Cong. Arnie to heed my appeal and report for work as soon as possible. His stay outside the country is no longer authorized by the House of Representatives.”
Gayunpaman, umaasa si Romualdez na tutugon sa kanyang panawagan ang kongresistang suspek sa pagpatay kamakailan kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at walong iba pa.
Giit ni Romualdez, hindi na otorisado ng Kamara ang pananatili ni Teves sa labas ng bansa matapos mapaso noong Marso 9 ang bisa ng travel authority na iginawad ng Kamara.
Ayon sa abogado ni Teves, walang planong manatili sa ibang bansa ang kongresista. Gayunpaman, may-agam-agam di umano si Teves sa kanyang kaligtasan sa sandaling bumalik sa Pilipinas.
Tugon naman ng Philippine National Police (PNP), handa silang bigyan ng bodyguard ang kongresista sa pagbalik nito sa bansa.
Ayon pa sa PNP, hindi nila mabibigyan ng proteksyon ang nagtatagong kongresista kung hindi siya babalik sa Pilipinas para harapin ang mahabang talaan ng mga kasong kriminal na isinampa laban sa kanya.