NI LILY REYES
PAHIRAPAN ang patuloy na isinasagawang search and rescue operation sa iba’t ibaqng bahagi ng bansa bunsod ng 10-talampakan putik na nagbaon sa mga kabahayan sa hilagang bahagi ng Luzon matapos ang pananalasa ng bagyong Kristine.
Sa huling bilang ng pamahalaan, umabot na 76 ang kumpirmadong patay bunsod ng delubyong naghatid ng mabigat na buhos na dahilan para mawalan ng tahanan ang halos 100,000 indibidwal na kasalukuyang nasa mga evacuation centers.

Nasa 320,000 biktima ng bagyo ang pansamantalang nakikisilong sa mga temporary evacuation centers.
Ayon sa mga eksperto, katumbas ng dalawang buwan buhos ng ulan ang isinaboy ng bagyong Kristine sa loob lang ng tatlong araw.

Hamon din sa search and rescue operation ang kawalan ng kalsadang madadaanan patungo sa mga lugar na binayo ng kalamidad.
Sa Bicolandia, puspusan pa rin ang rescue operation, ayon kay Bicol regional director Brig. Gen. Andre Dizon.

Sa lalawigan ng Batangas, umabot na rin sa 43 ang namatay. Sarado pa rin ang mga kalsada bunsod ng mga nakabalandrang bato, putik, puno, poste, inanod na sasakyan, at kagamitan sa tahanan.
Sa pinakahuling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), tuluyan nang nakalabas sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong kristine habang nakaamba naman ang pagpasok ng bagong sama ng panahon na tatawaging bagyong Leon.
Una nang nagpaabot ng pakikidalamhati si Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa mga naulila ng mga sinawim-palad sa lupit ng bagyong Kristine.
“I would like to express my sympathy for our fellow Filipinos who have become victims of Tropical Storm Kristine. We are grateful for the resilience, leadership and proactive measures undertaken by our local government units which has saved many, many lives.”
Naglabas na rin ng direktiba ang Palasyo para sa full mobilization ng military assets sa malawakang relief operations sa mga lugar na lubhang apektado ng delubyo.
“I have ordered the full mobilization of available AFP (Armed Forces of the Philippines) personnel and resources which can be committed to relief operations,” pahayag ni Marcos.
“Other uniformed agencies such as the PNP (Philippine National Police), BFP (Bureau of Fire Protection) and the Philippine Coast Guard are likewise placed under that status,” dugtong ng Pangulo.
