November 4, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

MGA NASAWI SA BAGYONG KRISTINE, PUMALO NA SA 85

NI LILY REYES

BAGAMAT tuluyan nang lumabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Kristine, patuloy naman ang panaghoy ng mga naulilang pamilya ng 85 indibidwal na pumanaw batay sa pinakahuling talaan ng Office of Civil Defense (OCD).

Gayunpaman, nilinaw ni Undersecretary Ariel Nepomuceno na tumatayong OCD administrator, nasa antas pa ng beripikasyon ang lima kataong nadagdag sa talaan ng mga nasawi bunsod ng bagsik na ipinamalas ng bagyong Kristine.

Sa datos ng OCD, pinakamarami ang nasawi sa Calabarzon kung saan 48 ang namatay habang pumangalawa naman ang Bicolandia na nagtala ng 28 casualties.

May mga binawian din ng buhay sa Cordillera Autonomous Region, Ilocos Region (Region I), at Zamboanga Peninsula Region (Region IX).

Umakyat na rin sa 70 ang nasaktan habang 41 ang patuloy na tinutunton ng search and rescue teams, dagdag pa ni Nepomuceno.

Umabot na rin umano sa mahigit 1.2 milyong pamilya ang apektado, habang nasa 311,468 naman ang pansamantalang nakikisilong sa mga temporary evacuation centers.

Tumataginting na P203 milyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura kabilang ang tulay, kalsada at paaralan, bukod pa sa 8,432 nawasak na bahay.

Isinailalim na rin sa state of calamity ang 84 lungsod at munisipalidad dahil sa bigat ng pinsalang tinamo.