NI HERNAN MELENCIO
TATLONG beses nagpaulan ng missile ang Israel sa Iran kahapon bilang ganti umano sa pambobomba ng Iran sa Israel noong Oktubre 1 at sa mga pag-atake rin ng mga kakampi ng Iran na Hezbollah mula sa Lebanon at Ansarallah o Houti mula sa Yemen.
Pero sa daan-daang missile ng Israel, walang nakalusot sa mga ito sa air defense system ng Iran. Kaya ilang minuto lang, tapos ang boksing. Ni hindi nagulo ang buhok ng Iran at pinagtatawanan ngayon ang Israel ng mga kalaban nito.
Ang totoo, nayanig ang Israel sa huling pag-atake ng Iran na tumama sa ilang military target sa Zionistang estado. Walang nagawa ang pinagmamalaki nitong air defense system na bigay ng Amerika – ang Iron Dome, Arrow at David Sling – sa 180 ballistic missile na pinakawalan ng Iran. Hindi nakahuma ang Israel, pero kelangan nitong kumilos para pagtakpan ang pagkapahiya. Kelangan nitong gumanti.
Ang among US lang ang pag-asa nito. Matagal na nitong ginagatungan ang US na atakihin ang Iran dahil hindi niya ito kaya kahit armasan pa siya mula ulo hanggang paa ng mga high-tech at super-duper na sandata.
Mga duwag at iyakin ang mga sundalo ng Israel Defense Force (IDF). Mga sanggol, bata, kababaihan at inosenteng sibilyan na walang kalaban-laban ang kaya lang nilang pagpapatayin. Wala silang karanasan sa kombat at harapang labanan kaya nangangamote sila sa Hezbollah sa timog ng Lebanon.
Mahigit 70 nang sundalong Israeli ang namamatay, anim na Merkava tank at ilang drone ang nawasak sa pinakahuling sagupaan ng IDF at Hezbolla. Hindi makapasok ang ground forces nito sa katimugang Lebanon kaya ginagamit na lang nito ang F-16, F-35 at iba pang eroplanong pandigma para maghulog ng bomba sa mga apartment at kabahayan sa maraming lugar sa Lebanon, kasama ang kapitolyo nitong Beirut.
Libu-libo nang sibilyan ang namamatay at nawawalan ng bahay at milyun-milyon na ang napipilitang lumikas dahil sa araw-araw na pambobombang ito.
Pinagbalingan din ng teroristang Israel ang mga sibilyan sa hilagang Gaza Strip na ngayo’y ginugutom nila, pinapatay at itinataboy sa timog ang mga buhay para hatiin ang teritoryo, patagin nang husto at ihanda para pamahayan ng mga ilegal na settler kalaunan.
Sa harap nito, hindi nakalimutan ng Israel na gumanti sa Iran. Kaso hindi kursunada ng amo nitong US na palalain ang sigalot laban sa Iran dahil eleksyon sa US at matatalo si Kamala Harris kung magkakagyera sa West Asia (na mas kilala sa tawag na Middle East). Pero kating-kati na si Benyamin Netanyahu na gumanti at maraming beses na nitong sinusuway ang amo. Alam ito ng US kaya ni-leak nito sa publiko ang detalye ng planong pag-atake ng Israel para magdalawang-isip si Netanyahu.
Gayunman, para ipakita ang walang hanggang pagmamahal sa nilikha nitong halimaw, niregaluhan ng US ang Israel ng dagdag na proteksyon laban sa ballistic missile ng Iran, ang Terminal High Altitude Area Defense (THAAD) system, na sinamahan ng 100 sundalong Amerikano para mag-operate nito.
At gumanti nga ang IDF sa Iran, pero bago gawin ito, nanginginig na inanunsyo ng tagapagsinungaling nito na si Daniel Hagari na humanda na ang Iran dahil aatakihin na nila ang “military targets” sa Iran. Nagpaalam din daw sila sa among US bago ang pag-atake.
Pag-atake itong parang pitik lang sa kamay ng Iran. Face-saving, ika nga para sa Israel at ginawa para hindi na gumanti ang Iran. “The reprisal strike was completed, and its objectives were achieved,” ani Hagari sa Ingles. Kumbaga, “okey na tayo, wala nang galawan.”
Pero hindi pa tapos ang pagdurusa ng mga Palestino sa Gaza at West Bank na ginugutom, pinapatay, ikinukulong, inaabuso, pinahihirapan at ninanakawan ng lupa. Ganundin ang mga Lebanese na patuloy na binobomba, pinapatay at sinisira ang kabuhayan.
Ni hindi man lang naisip ng Israel na malulutas ang lahat ng problema niya kung ititigil lang niya ang genocide sa Gaza at ibabalik ang mga ninakaw na lupa sa mga Palestino at ititigil ang baliw na pag-atake sa Lebanon at mga kapitbahay na bansa.
Karagdagang Balita
ELEKSYON SA TATE: MAY MAPAPALA BA SI JUAN?
PABIBONG KALBO PINAHAMAK LANG ANG DATING PANGULO
PALPAK NA DEPENSA NG MGA TUTA NI SARA