PAHIRAPAN ang isinagawang pag-apula ng sunog sa nasa 30-ektaryang bahagi ng kabundukang sakop ng dalawang barangay sa bayan ng Mulanay sa lalawigan ng Quezon.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection – Mulanay, dakong alas 10:00 ng umaga nang sumiklab sa madamong bahagi ng Barangay Nanadiego ang apoy na mabilis kumalat sa kagubatang sakop naman ng Barangay Matataja.
Bagamat malayo sa kabahayan, hindi naging madali para sa mga mga bumbero ang pagpatay ng sunog dahil sa kawalan ng daanan patungo sa nasusunog na bahagi ng kabundukan.
Bagamat naniniwala ang mga residente na matinding init ng panahon ang posibleng mitsa ng insidente, patuloy pa rin ang BFP-Mulanay sa isinasagawang imbestigasyon at pagtataya ng pinsala.
Ayon sa pahayag ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), partikular na natupok ang bahagi ng kabundukan kung saan karaniwang ginagawa ang reforestation program ng Department of Environment and Natural Resources.
Wala naman anilang nasaktan sa naturang insidente.
