HINDI na nagawa pang isugod sa pagamutan ang isang 55-anyos na barangay chairman matapos pasukin at barilin ng dalawang hitman sa kanyang tanggapan sa bayan ng San Isidro, lalawigan ng Leyte.
Kinilala ang biktimang si Chairman Elizalde Tabon ng Barangay Daja Diot. Patay din sa pamamaril si Kagawad Paulo Mendero at tanod na si Rusty Salazar.
Samantala, sugatan din sa pamamaril ang isa pang tanod na si Alex Bacor, ayon sa paunang ulat ng lokal na pulisya.
Sa imbestigasyon ng San Isidro Municipal Police Station (MPS), abala ang mga biktima sa pag-aayos ng ipamimigay na educational assistance para sa mga estudyanteng residente ng kanilang barangay nang pasukin ng dalawang saralin dakong alas 9:30 nang gabi.
Kwento ng mga testigo, apat na lalaking sakay ng motorsiklo ang dumating sa barangay hall. Paghinto ng sasakyan, mabilis na bumaba ang dalawang angkas at agad binaril si Salazar. Nang bumulagta ang unang biktima, pinasok naman sa tanggapan sina Tabon, Mendero at Bacor.
Pagkatapos na pamamaril mabilis tumalilis ang mga suspek.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon para matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek.
