LUBHANG naalarma ang mga residente mula sa tatlong barangay na sakop ng bayan ng Tabogon, Cebu matapos magsulputan ang anim na sinkholes matapos tamaan ng magnitude 6.9 na lindol ang naturang lalawigan.
Kabilang sa mga tinukoy ng lokal na pamahalaan ang sinkhole sa Manaybanay, Maslog at Canao-Canao.
Babala ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Tabogon, lubhang mapanganib ang mga natuklasang sinkholes.
Gayunpaman, nilinaw ng lokal na pamahalaan na malayo naman umano ang mga naturang sinkholes sa mga kabahayan.
Panawagan ng MDRRMO, iwasan muna ang paglangoy o paglapit sa apektadong bahagi ng dalampasigan, habang patuloy ang pagsusuri ng mga eksperto.
Nagtalaga na rin ng mga tauhan ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa paglalatag ng mga boya na magsisilbing babala sa mga mamamayan.
