HIMAS-REHAS ang isang aktibong pulis at tatlong iba pa matapos masabat ng Philippine National Police – Highway Patrol Group ang hindi bababa sa P20-milyong halaga ng imported na sigarilyong ipinuslit mula sa ibang bansa.
Sa ulat ng PNP-HPG, nasabat ang mga suspek sa ikinasang operasyon sa bayan ng Basay, at Iligan City sa Negros Oriental.
Sa isinagawang press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP-HPG Director Police Col Hansel Marantan na Oktubre 10 nang magsagawa ng anti-carnapping at plate-spotting operation ang mga tauhan ng HPG nang mapadaan ang isang Toyota Hilux.
Nang parahin, hinarurot pa umano ng driver ang sasakyan hanggang sa humantong sa habulan. Nang makorner, tumambad ang P150,000 halaga ng smuggled na sigarilyo.
Agad na dinakip ang mga sakay ng SUV kabilang ang isang aktibong pulis at isang menor de edad.
Sa kaugnay na balita, hagip din ng pulisya ang isang van na puno ng umano ng smuggled yosi – pero wala maski isang suspek ang nadakip.
Suspetsa ng mga pulis, inabandona ang kontrabando matapos makatunog ang mga mga suspek. (EDWIN MORENO)
