NABULABOG kahapon ng malakas na alingawngaw ng putok ang isang paaralan sa Tanauan, Leyte matapos barilin ng isang selosong mister ang asawang titser, ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP).
Bagamat ligtas na sa peligro anhg hindi pinangalanang guro, lumikha naman ang agam-agam ang mga magulang ng mga estudyante ng Tanauan School of Craftsmanship and Home Industries bunsod ng naturang insidente.
Sa datos ng PNP regional command, nangyari ang insidente bandang 7:23 ng umaga sa Tanauan School of Craftsmanship and Home Industries sa Barangay Canramos ng nassabing bayan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nasa loob ng paaralan ang 48-anyos na babaeng biktima nang biglang sumulpot ang 46-taong gulang na suspek na walang kaabog-abog na bumunot at nagpaputok ng calibre .38 revolver sa direksyon ng asawa.
Pagkatapos ng pamamaril, itinapon ng suspek ang baril sa bubong ng kalapit na gusali habang isinugod naman ang biktima ng isang co-teacher sa ospital sa Tacloban City.
Agad din naman nadakip ng mga rumespondeng pulis ang suspek na kasalukuyang nakapiit at nahaharap sa kasong frustrated homicide.
