SA gitna ng banta ng pinangangambahan malakas na pagyanig na tinaguriang ‘The Big One,’ itinakda ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagsusuri ng nasa 5,980 gusaling pag-aari ng pamahalaan bilang paghahanda laban sa nagbabadyang sakuna.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Works, partikular na tinukoy ni DPWH Undersecretary Maximo Carvajal ang 4,000 pampublikong paaralan, 351 pagamutan, 1,180 gusaling pag-aari ng gobyerno at 402 pinagawa ng mga local government units..
Sa datos ni Carvajal, taong 2018 nang maglaan ng P210 milyon ang pamahalaan para sa tinawag niyang “assessment and retrofitting” ng 36 na gusali. Nasa P767 milyon naman ang ginastos ng sumunod na taon para patibayin ang 23 gusali, habang tumataginting na P1 bilyon ang ginamit ng pamahalaan sa 51 pang istruktura.
Pag-amin ni Carvajal, humugot rin ang DPWH ng $309 milyon mula sa World Bank sa ilalim ng Philippine Seismic Risk Reduction and Resilience Project.
Iniulat rin ng DPWH official ang puspusang implementasyon ng National Building Code maging sa mga pribadong istruktura at ang ginagawang command center sa lalawigan ng Pampanga.
Sa kaugnay na balita, tinutulak rin nina Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III, Sen. Francis Tolentino, Raffy Tulfo, Ronald Dela Rosa at Bong Revilla ang amyenda sa umiiral na Building Code.