
NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang Department of Health regional office sa Cordillera matapos masipat ang biglang pagdami ng mga kumpirmadong kaso ng dengue sa naturang rehiyon.
Sa isang pahayag, hinikayat ng DOH-Cordillera regional office ang mga residente na maging maingat lalo pa’t 28 percent ang itinaas sa bilang ng mga pasyenteng nagpositibo sa naturang karamdaman.
Ayon sa DOH-Cordillera, pumalo na sa 2,171 ang kabuuang kaso ng dengue mula Enero 1 hanggang Mayo 10, mas mataas kumpara sa 1,698 kasong naitala noong nakaraang taon.
Bahagi ng datos ng ahensya ang limang nasawi dahil sa dengue.
Panawagan ng DOH-Cordillera sa mga residente, sundin ang 4S (Search and destroy, Secure Self-protection, Seek early consultation, Support fogging) at 4Ts (Taob, Taktak, Tuyo, Takip) para makaiwas sa peligro ng nakamamatay na sakit na dala ng lamok.
Bukod sa dengue, malaki rin anila ang pagtaas sa bilang ng kaso sa iba pang sakit sa Cordillera kumpara noong nakaraang taon tulad ng tigdas-hangin (89 kaso mula 56), rotavirus (94 kaso mula 3), leptospirosis (68 kaso mula 36), rabies (4 kaso mula 1), at hand, foot and mouth disease (635 kaso mula 236).