
ARESTADO sa ikinasang entrapment operation ng pulisya sa Quezon City ang 24-anyos na lalaki matapos ilako sa social media ang online banking account.
Sa ulat ng Quezon City – Anti-Cybercrime Team (QCDACT), ikinasa ang entrapment matapos matisod ng mga cyberpatrollers ang hayagang pagbebenta ng online bank account na nakapangalan mismo sa suspek.
Ang halaga — P2,500.
Ayon kay QCDACT chief Lt. Col Christopher Ubac, naaresto ang suspek sa harap ng isang bangko sa Barangay Bago Bantay sa nasabing lungsod.
Nakumpiska sa hindi pinangalanang suspek ang automated teller machine (ATM) card at ang marked money na ginamit sa naturang operasyon.
Ayon kay Ubac, ang mga binebentang luma o hindi nagamit na mga payroll account, ay maaaring magamit para sa mga ilegal na transaksyon ng mga sindikato sa likod ng iba’t-ibang anyo ng scam.
Paliwanag niya, ipapasok ng mga scammers ang pera sa biniling account at pagkatapos ay agad din naman ilalabas.
Binigyang-diin rin ni Ubac na mahigpit na ipinagbabawal ang magbenta ng personal bank accounts, ipagamit, ipahiram at maging ang pagbili nito.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (d) ng Republic Act 12010 o the Anti-Financial Account Scamming Act, na may kaugnayan sa Section 6 ng Republic Act 10175, na mas kilalang Cybercrime Prevention Act of 2012 ang suspek.
Napag alaman na mula noong Enero ngayong taon, pitong indibidwal na ang naaresto ng QCDACT na nagbebenta ng mga bank account at ATM card online. (LILY REYES)