
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SUPORTADO ng mga miyembro ng Kamara ang adbokasiya ng isang partylist congressman para sa mas pinaigting na serbisyong pangkalusugan ng Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Partikular na tinukoy ng mga mambabatas ang hirit ni Rep. Wilbert Lee na bawasan ang gastusin sa ospital ng mga mamamayang may karamdaman.
Una nang nanindigan si Lee House Plenary budget deliberation sa isinusulong na pagbabago sa umiiral na sistema ng DOH at PhilHealth sa tuwing may humihingi tulong sa mga naturang sangay ng gobyerno.
Para kay Lee, hindi angkop na gawing tingi-tingi ang implementasyon ng serbisyong pangkalusugan.
Sa pangangalampag ng kongresista, tila nahimasmasan sina DOH Secretary at Chairman of PhilHealth Board Ted Herbosa, gayundin si PhilHealth President and Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma Jr.
Pangako ng dalawang opisyales, 50% across-the-board PhilHealth benefits increase pagsapit ng Nobyembre ngayong taon, free diagnostic tests gaya ng PET scan, CT scan at MRI bilang bahagi ng outpatient services, at coverage ng hindi bababa 80% para cancer treatments at heart procedures bago o sa pagsapit ng December 31, 2024 at marami pang dagdag na health services.
Sa pagharap sa Senate Committee on Health and Demography, sinusugan ni health reform advocate Dr. Tony Leachon ang panawagan ni Lee, kung saan nabanggit din ang bilyones na pondo ng PhilHealth na sa halip na gamitin bilang investment fund ay gastusin sa pagpapataas ng benefits package para sa mga manggagawang buwanang kinakaltasan ng sahod.
Sa panayam kamakailan, binigyang pagkilala ni Finance Undersecretary Cielo Magno ang sigasig ni Lee sa adbokasiyang transparency sa PhilHealth Benefits Committee, ang sub-committee na responsable sa pagbalangkas ng policy directions at benefits development ng PhilHealth.
“Maganda yung sinasabi ni Cong. Wilbert na may accountability dapat ang board na ito at makita natin kung paano sila nagdedesisyon. Alam ko na si Cong. Wilbert, not just in this hearing, last hearing pa niya minomonitor yan. Talagang tinatanong niya yan,” pahayag pa ni Magno.
Maging si Senate President Escudero ay kinatigan ang hiling ng kapwa Bicolano hinggil sa pinalawak na PhilHealth benefits.
Sa social media naman ay marami ang nagpapahayag ng kanilang pagsuporta kay Lee sa panagawang pagbutihin ang healthcare services sa bansa.
Bilang tugon, sinabi ni Lee na ang mga natatanggap niyang susporta at ipinararating sa kanya ng sentimyento mula sa iba’t-ibang sektor ay patunay na laban ng buong sambayanang Pilipino ang ninanais niyang ibayong pagbabago sa serbisyong pangkalusugan.
“Ang laban na ito ay hindi pansarili o ng iilan lang. Noong isang taon pa natin ito sinimulan at babantayan natin ito hanggang maisakatuparan ang mga kailangang-kailangan at karapatan ng ating mga kababayan na serbisyong pangkalusugan,” ani Lee.
“Dekalidad at libreng gamot at pagpapagamot para sa lahat, gawin na natin!”