TOTOONG nakamamatay ang paggamit ng vape at e-cigarettes, ayon sa Department of Health (DOH) matapos kumpirmahin ang unang vape-related death sa Pilipinas.
Partikular na tinukoy ni DOH Assistant Secretary Alberto Domingo ang pagpanaw ng 23-anyos na binawian ng buhay matapos atakihin sa puso noong nakaraang taon bunsod ng e-cigarette o vape-associated lung injury (EVALI).
Sa pagsusuri ng DOH sa biktima, lumalabas na walang anumang comorbidities ang lalaki pero nakitaan ng matinding pinsala sa baga na iniuugnay sa araw-araw na paggamit ng vape sa nakalipas na dalawang taon.
Babala ni Domingo, nagpapataas ng panganib sa acute myocardial infarction at stroke ang e-cigarettes at vaping batay sa pag-aaral na inilathala ng Respirology Case Reports journal ng Asian Pacific Society of Respirology ni Dr. Margarita Isabel Fernandez at ilan pang doktor Philippine General Hospital (PGH).
“DOH and PGH raises warning on vape as it cites first Filipino death. Bente-dos anyos na namatay sa heart attack. Ang pinaka striking sa kasong ito yung kanyang heart attack, wala siyang risk factors maliban sa araw-araw siyang nagva-vape for the past two years bago siya atakihin sa puso,” pahayag ng tagapagsalita ng kagawaran.
Sa isinagawang pagsusuri sa “first casualty” ng EVALI, dumanas ng isang linggong pag-ubo, hemoptysis, lagnat, at pagsusuka ang biktima bago pa man nanakit ang dibdib na ayon mga doktor ay may kinalaman sa dyspnea, diaphoresis, at myalgia.
“Dalawang arteries sa kanyang puso ang nabarahan. Yung kanyang lungs meron consolidation ibig sabihin, nag dikit-dikit yung loob ng lungs niya,” ani Domingo.
Lumalabas din sa pagsusuri na hindi hindi humihitit ng sigarilyo, hindi umiinom ng alak at hindi gumamit ng iligal na droga ang unang biktima ng EVALI.
Wala rin umano sa talaan ng mga tinamaan ng COVID-19 ang pangalan ng biktima.
Ayon naman kay Dr. Riz Gonzales ng Philippine Pediatric Society Tobacco and Nicotine Control Advocacy Group, ang nasabing kaso ay isa lamang sa anim na naitalang EVALI cases nitong Mayo 2024.
Ngayong taon, isa pang kaso ang naitala sa Alabang, Muntinlupa, na 22-anyos din, subalit ito ay dati nang naninigarilyo bago lumipat sa vaping.
Batay naman sa Global Youth Tobacco Survey (GYTS), 14% o 1 sa bawat pitong mag-aaral na may edad 13-15 taong gulang ay gumagamit na ng e-cigarette araw-araw.
