SWAK sa kulungan ang dalawang motorcycle taxi riders na huli sa aktong pagbebenta ng droga sa mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City.
Sa impormasyong ibinahagi ni PDEA Director General Isagani Nerez, nasa P142.8-milyong halaga ng shabu ang narekober sa pag-iingat ng dalawang suspek sa ikinasang buy-bust operation, katuwang ang tauhan ng PDEA Special Enforcement Service (SES) and PDEA Regional Office-National Capital Region (RO-NCR) Quezon City District Office at Philippine National Police (PNP) Drug Enforcement Group Special Operations Unit- NCR.
Kinilala ang mga motorcycle taxi riders na sina alyas Eli ng Baliwag, Bulacan at isang Rolando na residente naman ng Caloocan City.
Sa imbentaryo ng PDEA, umabot sa 21 kilo ng shabu na nakabalot sa plastic container ang nakuha mula sa mga suspek. Narekober din ng mga PDEA agents ang buy-bust money, at isang Toyota Hiace Grandia, iba’t ibang identification cards, mobile phones at digital weighing scale.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) ng Section 26 (Conspiracy to Sell), Article II of Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
