DEAD on the spot ang 26-anyos na rider habang sugatan naman ang angkas nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Quezon City, Martes ng hapon.
Kinilala ang napatay sa pangalang Emmanuel, 26-anyos na binata mula sa Barangay Baesa ng nasabing lungsod. Inoobserbahan naman sa pagamutan ang angkas na kinilala sa alyas na Ruzzel ng Project 6, Quezon City.
Sa report ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas 5:30 ng hapon noong Martes, nang mangyari ang pamamaril sa kanto ng Payatas Road at Majaas St.,sa Barangay Payatas, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni PSSg Raymark Paligutan, sakay ng motorsiklo ang mga biktima nang biglang ratratin ng mga hindi pa nakikilalang salarin. Agad na tumakas ang mga suspek.
Samantala, nagawang humingi ng tulong ni Ruzzel na isinugod ng traffic enforcer sa Rosario Maclang General Hospital, ngunit kalaunan ay inilipat sa Quezon City General Hospital para sa angkop na lunas.
Narekober ng SOCO team ng QCPD-FU, sa pangunguna ni P/SMS Paul Kilasen, ang tatlong basyo ng 9mm at isang kulay asul na Mio Sporty ng biktima.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
