NAKORNER ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang tatlong riders na naispatang nagkakarera sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Kinilala ang mga nadakip na sina alyas Joel, Christian ar Carmelo na pawang residente ng nabanggit na lungsod.
Sa ulat kay QCPD chief Brig. Gen. Randy Glenn Silvio, habang nagsasagawa ng routine checkpoint operation ang mga operatiba ng Batasan Police Station 6 sa Old Balara, nakatanggap ng impormasyon sa drag racing malapit sa Jocfer Building sa kahabaan ng Commonwealth Avenue na sakop ng Barangay Holy Spirit, bandang alas 3:00 ng madaling araw.
Sa pagresponde ng mga pulis, nagtangka pa umano tumakas ang mga rider at ang ilan ay tumatakbo patungo sa nakaparadang Toyota HiAce commuter van pero nakorner din kalaunan.
Nasamsam ng mga awtoridad ang Yamaha Mio Sporty 2016 model, Yamaha Aerox, Honda Click 125 2023 model, at Toyota HiAce Commuter Van.
Ang tatlong nadakip ay inisyuhan ng Official Violation Receipts (OVR) dahil sa pagkakasangkot sa illegal drag racing activity habang ang mga motorsiklo at Toyota HiAce van ay inimpound ng District Traffic Enforcement Unit (DTEU) para sa karagdagang imbestigasyon at tamang dokumentasyon.
