
NAKATAKDANG maglunsad ng malawakang clearing operation ang New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) sa hangaring paluwagin ang aviation area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
“The continued presence of these aircraft severely limits our operational capacity. Clearing them will allow us to improve airside traffic flow and accommodate increasing passenger and aircraft movements at NAIA,” saad sa isang bahagi ng pahayag ng NNIC.
Kabilang sa mga target walisin palabas ng paliparan ang Cessna 421B na 2009 pa nakatengga sa aviation area. Pasok din sa talaan ng mga aalisin sa paliparan ang Boeing 737-200 na nakatengga mula pa 2015.
Gayunpaman, nilinaw ng NNIC na dadaan sa tamang proseso ang clearing operation. Katunayan anila, nakipag-ugnayan na ang naturang kumpanya sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Manila International Airport Authority (MIAA) para tukuyin at ipabatid sa mga may-ari ng abandonadong eroplano ang nakaambang clearing operation.
Panawagan ng NNIC sa mga may-ari ng mga nakatenggang sasakyang panghimpapawid, makipag-ugnayan para kunin o ayusin ang retrieval o disposisyon ng mga tinaguriang “air assets.”
Sakali anilang hindi tumugon, sapilitang aalisin at ididispose ang mga eroplano alinsunod sa umiiral na batas.