
ASAHAN ang bugso ng pasahero sa mga paliparan, pantalan at maging sa mga terminal ng bus para umuwi sa kani-kanilang lalawigan bilang bahagi ng tradisyong kalakip sa paggunita ng araw ng mga namayapa.
Sa press briefing na ginanap sa Malacanang, tiniyak ni Secretary Jaime Bautista ng Department of Transportation (DOTr) na nakalatag na ang “contingency measures” para tiyakin ang kaayusan sa mga paliparan, pantalan at mga bus terminals.
Sa pagtataya ni Bautista, papalo sa 1.5 milyon ang inaasahang sasakay ng bus para bumiyahe sa kani-kanilang probinsya.
“Yung bus passengers natin aabutin ‘yan ng mga 1-1.5 million, airports and seaports siguro easily ‘yan mga 3 million ang magbibyahe,” ani Bautista.
Nakahanda na aniya ang kanilang Oplan Biyaheng Ayos para sa mga pasahero para tiyakin ang kaligtasan at kaayusan sa kanilang paglalakbay.