ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., agad na ipinatupad ng Korte Suprema ang flexible work arrangements sa lahat ng tanggapan sa ilalim ng hudikatura.
Sa bisa ng Memorandum Circular 02 (series of 2026), naglaan ng apat na araw ang Korte Suprema para sa onsite work sa mga tanggapan sa ilalim ng hudikatura sa hangaring bawasan ang gastusin ng gobyerno sa konsumo ng kuryente.
Paglilinaw ng Korte Suprema, mananatiling limang araw ang trabaho ng mga husgado sa bisa ng isang araw na work-from-home set-up isang araw kada linggo.
Ayon sa Korte Suprema na hindi saklaw ng flexible working arrangement ang Sandiganbayan at Court of Tax Appeals.
Pasok din sa direktiba ng Korte Suprema ang pahintulot sa paggamit ng video conferencing sa ilang pagdinig.
Samantala, pinirmahan na rin ni Manila City Mayor Isko Moreno ang Executive Order 8 (series of 2026) na nagtatakda ng 4-day work week sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan.
Garantiya ni Moreno, hindi mababawasan ang oras ng pagsisilbi ng mga empleyado ng Manila city government matapos itakda ang “extended working hours.”
Sa ilalim ng kautusan ng alkalde, magsisimula ang trabaho sa mga opisina ng lungsod sa ganap na alas 7:00 ng umaga hanggang alas 6:00 ng hapon — o mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 7:00 ng gabi — mula Lunes hanggang Huwebes.
Suspendido naman ang pasok tuwing araw ng Biyernes.
Gayunpaman, nilinaw ni Moreno na hindi kasama sa 4-day work week ang mga opisinang nagbibigay ng essential at frontline services tulad ng emergency response units, health services, sanitation operations, public markets, at utilities tulad ng water pumping stations. (JULIET PACOT)
