WALANG puwang sa lungsod ng Maynila ang mga mapagsamantala sa kapwa, higit lalo sa gitna ng krisis bunsod ng bigtime oil price increase.
Sa direktiba ni Manila City Mayor Isko Moreno, sinimulan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang pagtugis sa mga drayber at kundoktor ng mga pampasadang jeep at UV Express na nagsasamantala sa mga pasahero.
Bilang patikim, sinampolan ng MTPB ang mga pampasaherong jeep at UV Express na huli sa “cutting trip” sa España Boulevard. Imbes na mula Fairview hanggang Kalaw, ibinababa lang ang umano ang mga pasahero pagdating ng Quiapo.
Ayon sa mga operatiba ng MTPB, napipilitan ang mga pinababang pasahero sumakay at magbayad na naman sa ibang jeep na nakaabang na papunta naman sa Manila City Hall at Kalaw.
Ganito rin anila ang diskarte ng ilang UV Express na imbes mula Fairview hanggang Buendia ibinababa lang ang mga pasahero sa Vito Cruz.
Ayon sa pamunuan ng MTPB, lubhang apektado ng maling diskarte ng mga drayber at kundoktor ang pasaherong senior citizens, mga buntis at mga persons with disability (PWD).
Papatawan ng multang higit sa P2,000 — bukod pa sa impound, ang mga sasakyang nahuling nag-cutting trip. (JULIET PACOT)
