SA gitna ng nakaambang krisis sa langis bunsod ng hidwaan sa Middle East, ipinag-utos ni Manila City Mayor Isko Moreno ang pagtitipid lalo pa’t posibleng sumirit ng presyo ng petrolyo sa mga susunod na linggo.
Sa ilalim ng Executive Order No. 7 (series of 2026) na nilagdaan ni Moreno, target ng lokal na pamahalaan makatipid ng 50 porsyento sa gastusin sa paggamit ng mga sasakyan ng mga tanggapan ng Manila LGU.
Pasok sa direktiba ng alkalde ang pagsasama-sama ng mga delivery, paggamit ng mas maikling ruta upang makatipid bukod sa pagbabawal sa non-essential travel.
Sinuspinde na rin ni Moreno ang mga lakbay-aral at pagbiyahe sa ibang bansa.
Maliban sa mga ospital at iba pang healthcare facility, pinagtitipid din sa paggamit ng kuryente ang mga tanggapan ng Manila LGU tulad ng pagsasara ng mga kuryente o ilaw pagsapit ng alas 5:00 ng hapon at pagdaraos ng pulong via online.
Apektado rin sa atas ng alkalde ang karaniwang bonggang graduation. Ayon kay Moreno, sa loob lang ng paaralan idaraos ang lahat ng graduation activity ng mga pampublikong paaralang elementarya at high school.
Exempted naman sa matinding pagtitipid ang mga operasyon sa emergency response kabilang na ang sa pulis, bumbero, ambulansya at iba pang tutugon sa kalamidad at iba pang emergency.
Kasama rin sa exempted ang mga essential service kabilang ang pagkolekta ng basura at traffic management. (JULIET PACOT)
