SA gitna ng mabilis na pagsirit sa arawang bilang ng mga kumpirmadong positibo sa nakamamatay na COVID-19, nagpahiwatig ang pamahalaang lungsod sa posibleng pagbabalik ng mandatory use ng facemask sa Maynila.
Paglilinaw ng Manila Public Information Office, rerebisahin pa muna ng mga dalubhasa ng lokal na pamahalaan ang umiiral na polisiya kasabay ng pag-aaral sa bilang ng bagong kaso sa mga susunod na araw bago magpasya.
“The reimposition of the mandatory face mask policy is not yet needed at the moment,. We will continue to observe closely in the next coming days the trend of new COVID-19 cases to determine if mandating the use of face masks indoors and outdoors will be necessary,” pahayag ni Manila Mayor Honey Lacuna.batay sa datos ng lungsod, mula sa 36 cases noong Abril 11, pumalo sa 57 ang bilang active cases noong Abril 13.
Pagsapit ng Biyernes, umakyat sa 71 ang bilang ng active cases.
Sa 71 active cases, 15 ang naitala sa Tondo-I habang ang natitirang bilang ay mula sa Ermita (4), Intramuros (2), Malate (7), Paco (8), Pandacan (7), Quiapo (1), Sampaloc (9), San Andres (5), San Nicolas (3), Sta. Cruz (4), Sta. Mesa (1) at Tondo-II (5).
Wala naman naitalang hawaan sa mga distrito Binondo, Port Area, San Miguel at Sta. Ana.
Samantala, hinikayat muna ng alkalde ang mga residente ng Manila na magsiguro — patuloy na gumamit ng facemask at magpabakuna kontra COVID-19.
Sa nakalipas na dalawang linggo, umabot sa 1,065 kumpirmadong kaso ang naitala sa National Capital Region.