KUNG hindi pa dahil sa pamamaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo, di pa marahil maiisip ng Commission on Elections (Comelec) na hilingin sa Kongreso pagtibayin ang isang panukalang batas kontra sa mga tinaguriang ‘panggulo’ sa tuwing sasapit ang halalan.
Hirit ni Comelec chairman George Garcia sa Senate Committee on Public Order, gawin krimen ang ‘nuisance candidacy.’
Partikular na tinukoy ni Garcia ang paghahain ng kandidatura ng isang Grego Degamo, alyas Ruel Degamo sa posisyon ng gobernador sa lalawigan ng Negros Oriental.
Paniwala ni Garcia, ang desisyon ng Comelec na ideklara bilang nuisance candidate si Grego Degamo ang ugat ng karahasan sa naturang lalawigan kung saan nalaglag sa pwesto si Henry Pryde Teves matapos mapunta kay Roel Degamo ang bilang ng boto na nakatala sa pangalan ng ‘panggulo.’
Pag-amin ni Garcia, meron nang panukala kontra nuisance candidates sa ilalim ng 18th Congress kung saan nakatala ang parusang P0.5 milyong multa at perpetual disqualification na kalakip ng kasong perjury at misrepresentation.
Gayunpaman, dapat din aniyang ihanay na sa kategorya ng krimen ang nuisance candidacy.
Bukod sa mismong nuisance candidate, dapat rin aniyang managot ang grupo o indibidwal na nagpatakbo sa kapangalan ng kalaban sa halalan.
Para kay Garcia, hindi biro ang hamon ng mga ‘panggulo’ sa tuwing may halalan. Katunayan aniya, mahigit sa 300 nuisance candidates ang naitalang sumali sa nakaraang May 2022 general elections.