KABI-KABILANG kantyaw at batikos ang sinalo ng Land Transportation Office (LTO) matapos magtalaga ang isang regional office ng priority lane para sa hanay ng mga indibidwal na pasok sa sektor ng LGBT.
Paglilinaw ni Sen. Grace Poe, angkop lang na protektahan ang hanay ng mga ‘lesbian, gay, bisexual, transgender at iba pa laban sa diskriminasyon.
Gayunpaman, hindi kumbinsido ang beteranong mambabatas sa motibo ng LTO Cagayan Valley District Office.
Sa isang pahayag, nanawagan si Poe na tumatayong chairman ng Senate Committee on Public Services, sa pamunuan ng LTO na maging mapanuri sa galaw at paandar ng lahat ng tanggapan sa pangangasiwa ng naturang ahensya para maiwasan ang ‘sablay’ na desisyon.
“Maaaring tingnan na maganda ang intensyon, pero tila matindi ang pagkakamali ng isang regional office ng LTO na isama ang LGBTQ+ community sa priority lane,” ayon kay Poe.
Aniya, nilikha ang priority lane para sa indibidwal na hirap nang kumilos – tulad ng senior citizens at persons with disability (PWD).
“Isa itong wake-up call para sa mas mahusay na pag-unawa sa inclusivity at equality sa serbisyo ng pamahalaan. Isang malaking dagok ito sa liderato ng LTO na palakasin ang koordinasyon at monitoring sa kanilang mga tanggapan.”
Para kay Poe, hindi katanggap-tanggap na palusot ng LTO na una nang nagsabing isolated case lang ang nangyari sa LTO District Office sa Cagayan.
Katunayan aniya, nakatanggap na rin siya ng sumbong na isinama rin ng LTO Cagayan District Office ang LGBT sa priority lane para sa mga senior citizens, PWDs at buntis noong araw ng mga puso, Pebrero 14.
“Dapat pag-aralan nang mabuti ang lahat ng patakaran sa gender sensitivity, inclusivity at equality sa pagkuha ng serbisyo ng pamahalaan bago ito ipatupad sa publiko. Dapat tumutupad ang lahat ng ahensya ng pamahalaan, partikular ang mga frontline services tulad ng LTO, sa patakaran sa anti-discriminatory.”