DALAWANG araw matapos tangayin ng rumaragasang alon ng isang sapa sa lungsod ng Antipolo, wala ng buhay nang matagpuan sa Pasig River ang 11-anyos na batang lalaki.
Sa ulat ng lokal na pulisya, dakong alas 2:00 ng hapon nitong Linggo (Agosto 31), nang makatanggap ng tawag hinggil sa bangkay na palutang-lutang sa bahagi ng Barangay Santolan sa Pasig City.
Una nang iniulat ng Antipolo City Police Station ang pagsasagawa ng search and rescue operations sa biktima.
Batay sa impormasyong nakalap ng Antipolo Police, patungo sana ang biktima at ang kanyang kuya sa SSS Village sa Marikina City para magbenta ng Roblox account.
Tinangka umano ng magkapatid tawirin ang sapa sa Barangay Mayamot subalit masyadong malakas ang agos na dahilan para tangayin ang biktima. Kwento ng ilang saksi, sinubukan pang iligtas ng nakatatandang kapatid ang biktima. (EDWIN MORENO)
