ONSEHAN sa sa ilegal na droga ang sinisilip na motibo ng mag-amang umano’y “tulak” sa likod ng pagpatay sa 25-anyos na binata sa Quezon City Martes ng hapon.
Dead on the spot sa isang tama ng bala sa likurang bahagi ng katawan ang biktimang kinilala lang sa pangalan “Mig Mig”ng Barangay Pasong Tamo, Quezon City.
Patuloy pang tinutugis ang mag-amang suspek na sina alyas “Elmer” at anak na si “Jaymer” na kapwa residente ng Barangay Holy Spirit sa nabanggit na lungsod.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas 12:30 ng hapon nitong Martes (Hulyo15), nang maganap ang insidente sa loob ng Zero Waste Compound, sa kahabaan ng Republic Avenue.
Batay sa imbestigasyon ni Sarhento Alexiss Mace L Jurado, isang isang testigo ang nakakita habang hinahabol ni Elmer. Nang masukol, agad na nagpaputok ng baril ang suspek.
Bagamat sugatan, nakatakbo pa ang biktima at pumasok sa Zero Waste Compound habang sumisigaw na siya ay binaril hanggang sa tuluyang bumulagta.
Bukod dito, isang testigo na alyas “Dindo” ang nagsabing nakasalubong niya ang anak ng suspek na si Jaymer at humingi ng tulong para itulak ang motorsiklo patungong Area 3, dahil nawala umano ang susi nito.
Matapos tulungan ay saka lamang nalaman umano ni Dindo sa nagrespondeng mga pulis na ang inilipat nilang motorsiklo ay pag-aari ng biktimang si Mig Mig.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang isang Jaguar caliber .38 revolver, dalawang basyo ng bala, at apat na plastic sachet ng shabu.
Lumabas naman sa Investigation Solution Automatic Verification (ISAV) system na ang biktimang si Mig Mig ay minsan nang nasangkot sa kaso ng nakawan at ilegal na droga.
Napag-alaman din ng imbestigador na dati nang may kaso kaugnay ng ilegal na droga ang mag-amang suspek. (LILY REYES)
