ANIM na buwan matapos palayain ng korte, balik-kulungan ang 25-anyos na binatang dinakma sa isang buy-bust operation sa lungsod ng Pasig.
Ayon kay Col. Hendrix Mangaldan na tumatayong hepe ng Pasig City Police Station, kumpiskado ang nasa 3.2 kilo ng shabu (katumbas ng P21.76 milyon)na nakuha sa pag-iingat ng suspek.
Batay sa ulat ng Pasig City Police, dakong alas 11:45 ng gabi nang dakpin ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ang suspek sa kahabaan ng Eusebio Avenue, Barangay Pinagbuhatan sa nasabing lungsod.
Sa rekord ng pulisya, dati nang nadakip ang suspek na nakulong noong Pebrero 2019 dahil sa pag-iingat ng baril. Disyembre ng nakalipas na taon nang makalaya ang suspek.
Base sa intelligence report, ang suspek umano ang nagbabagsak ng droga sa Taguig City sa Metro Manila, gayundin sa mga bayan ng Taytay at Cainta sa lalawigan ng Rizal. (EDWIN MORENO)
