ANG dapat sana’y masayang outing na inorganisa ng isang kandidato sa posisyon ng Sangguniang Kabataan chairman, nauwi sa pangmomolestya ng limang bading sa 19-anyos na binatilyo sa San Jose del Monte sa lalawigan ng Bulacan.
Batay sa reklamong inihain sa National Prosecution Service, sinampahan ng kasong pangmomolestya sina Eugene France Pico at Ezrael Aguirre na kapwa kandidato bilang SK councilor sa Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City.
Bukod kina Pico at Aguirre, pasok din sa asunto sina Kevin Casin, Rolando Dayao Jr., at Ronald John Espiritu.
Sa salaysay ng biktimang kinilala sa pangalang si Brian Dave dela Victoria, madaling araw ng Setyembre 17 nang pwersahang halayin di umano ng limang suspek ang biktima habang nagpapahinga sa silid matapos makaramdam ng hilo sa ininom na alak.
“Nagkaroon kasi ng libreng swimming yung kandidatong SK chairman noong Setyembre 16 sa Paradise Adventure Camp. Pagkatapos namin magtampisaw, nagkaroon naman ng inuman, pero nakaramdam ako ng hilo kaya pumunta na ako sa kwartong naka-assign para sa mga lalaki. Bandang alas 5:00 ng madaling araw, naramdaman ko may mga taong tumabi at sabayan akong minolestya habang hawak nila ang mga braso’t binti ko,” kwento ng biktima sa nilagdaang salaysay na ipinasa sa piskalya.
Nang magkaroon ng pagkakataon, sinipat at pilit niyang kinilala ang mukha ng mga suspek na kinabibilangan ng dalawang kandidato ng SK at tatlong iba pa.
Bagamat, di na niya nagawa pang pigilan ang kahalayan dahil aniya sa kalasingan, lingid naman sa kaalaman ng mga suspek, may isang nakasaksi sa naturang insidente.
Nagpahayag na rin ng kahandaan ang nakasaksi sa panghahalay na tumayong testigo at magbigay ng testimonya sa husgado.
Naganap ang panghahalay sa libreng outing na inorganisa ng isang Judielyn Francisco na tumatakbong SK chairman ng Barangay San Bartolome sa Novaliches, Quezon City.