PINALIGIRAN muna ng nasa 13 barko ng China ang barko ng Pilipinas sa resupply mission sa BRP Sierra Madre bago banggain ng barko ng Beijing ang Philippine military-contracted civilian boats, ayon sa mga opisyal ngayong Lunes.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson ng West Philippine Sea, limang Chinese Coast Guard (CCG) ships ang sumunod, nagsagawa ng delikadong maniobra at pilit na humaharang sa misyon, habang ang walong Chinese Maritime Militia Vessels (CMMVs) ay aktibo rin sa pagharang sa grupo ng mga barko na magsusupply ng stock sa BRP Sierra Madre.
Ang pinakahuling insidente ay lumikha ng matindi pang tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa sa loob ng Manila exclusive economic zone. Inaangkin ng China ang halos buong South Chine Sea, kabilang ang bahagi ng Manila na tinatawag na West Philippine Sea.
Patuloy ding binabalewala ng China ang 2016 arbitral tribunal ruling na nagpapawalang bisa sa pag-angkin ng China.
Noong Sabado, isang araw bago maganap ang kolisyon, sinabi ni Tarriela na dalawang CCG vessels ang namonitor na sumusunod sa BRP Cabra ng Philippine Coast Guard.
Nitong Linggo nang magsimula ang misyon, dalawang CMMV vessels ang humarang sa BRP Cabra upang paghiwalayin ito sa sibilyang barko. Nang magitgit ng dalawang CMMVs ang PCG ship, pinuntahan ng CCG ang nag-iisang UM2 at humarang sa daanan dahilan ng banggaan.
Walang nasaktan sa insidente pero nasira ang civilian boat at nalagay sa peligro ang buhay ng mga nakasakay sa barko ng Pilipinas, ayon sa mga opisyal ng National Task Force on the West Philippine Sea.
Sa isa pang insidente, pitong Chinese ships – apat CCG at tatlong CMMV – ang pumaikot sa UM2 at PCG vessel.
Maliban sa crewmembers, lulan din ang mga Filipino journalist para i-cover ang misyon.
Dahil sa panggigipit ng China, isa lamang sa civilian supply boats ang matagumpay na nakapaghatid ng supply sa Filipino troops na nakadestino sa Ayungin outpost.