MULING binalikan ng mga kaanak ng tatlong paslit na nasawi sa sunog ang natupok na tirahan upang hanapin ang nawawalang binti ng isa sa mga biktima sa Barangay Sto. Domingo Quezon City nitong Miyerkules.
Ayon sa mga kaanak ng mga nasawing bata, bumalik sila dahil ayon sa punerarya na nag-aayos ng bangkay ng mga biktima, isa dito ay wala umanong binti.
Sa kanilang pagdating, halos manlumo ang mga kaanak ng biktima nang makitang pader na lamang ang natira sa tatlong palapag na dati nilang tinitirhan.
Doon ay hinanap nila ang nawawalang binti ng isa sa mga biktima — subalit bigo ang pagsisikap matagpuan ang hinahanap na bahagi ng katawan,
Nitong Martes ay natagpuan ang magkakahiwalay na bangkay ng magkakapatid na sina alyas Matthew, 10; Zach, 7, at Zarah, 5, sa ikalawang palapag ng inuupahang bahay sa P. Florentino St., Brgy. Sto. Domingo, Quezon City matapos masunog alas 11:03 ng umaga.
Sinabi ng Bureau of Fire Protection (BFP), nasa tatlumpung pamilya ang nawalan ng tirahan at pansamantalang tumutuloy sa evacuation center sa Sto. Domingo Parish. (LILY REYES)
