
SIYAM na indibidwal ang patuloy na inoobserbahan sa pagamutan bunsod ng mga tinamong sugat at pilay matapos tupukin ng apoy ang isang residential building sa lungsod ng Makati Kaninang madaling araw.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection–National Capital Region (BFP-NCR),
40 pamilya ang apektado ng sumiklab na sunog. Damay rin umano ang isang hardware sa panulukan ng Washington Street at Facundo Street. Nadamay rin ang mga residential unit sa itaas na palapag ng gusali.
Sa impormasyong ibinahagi ng BFP-NCR, itinaas ang unang alarma bandang 12:34 umaga at umabot sa ikalawang alarma matapos lang ang limang minuto.
Dakong alas 2:40 nang tuluyang maapula ang sunog. Kabilang sa mga nasugatan ang anim na residenteng tumalon mula sa gusali para makaligtas.
Patuloy ang imbestigasyon sa hangaring matukoy ang sanhi ng sunog at halaga ng pinsala. (LILY REYES)